Ang Krisis Pang-Klima at si Duterte
Written by: Lemuel Deinla
Ngayong 2020 ay nasaksihan ng buong mundo ang bagsik ng krisis pang-klima. Nasunog ang kagubatan ng Amazon sa Brazil at nagkaroon ng wildfire sa Australia at California sa Amerika. Inatake rin ng mga balang o locust ang India at Pakistan bunsod ng mas maulang panahon. Halos maubos na rin ang suplay ng tubig sa South Africa dahil sa lumalalang tagtuyot doon. At sa huling bahagi ng 2020, hinagupit ang Pilipinas ng limang magkakasunod-sunod na bagyo. Mula sa Bagyong Quinta na tumama noong ika-25 ng Oktubre hanggang sa Bagyong Ulysses na pumasok sa bansa noong ika-11 ng Nobyembre. Kabilang sa mga bagyong ito ang pinakamalakas na bagyo ng taong 2020, ang super typhoon Rolly. Hindi maikakaila na mas lumalakas at mas dumadalas ang mga bagyong nananalasa sa Pilipinas. Itinuturong dahilan ng mga ito ang umiinit na temperatura ng mundo.
Ano ang puno’t dulo ng pag-init ng mundo? Bunga ito ng malawakang pagbabago ng klima o climate change na ngayon ay umabot na sa lebel ng krisis pang-klima. Buhat ng paglawak ng industriyalisasyon ng mga kapitalistang bansa sa Europa at ng Estados Unidos, tumaas din ang inilalabas na greenhouse gas tulad ng carbon dioxide at methane. Ang mga gas na ito ay hinaharangan ang natural na paglabas ng init ng mundo sa kalawakan. Nakukulob ang init sa mundo bunsod ng mga greenhouse gas na ito.
Damang dama ang epekto ng krisis pang-klima na ito sa Pilipinas. Isa ang Pilipinas sa pinakamapupuruhan ng krisis pang-klima kahit maliit lamang ang kontribusyon ng greenhouse gas ng bansa. Sasaluhin ng isang bansang naghihirap ang hagupit ng krisis pang-klima na nilikha ng mga mayayamang bansa sa Kanluran. Ika-siyam ang Pilipinas sa pinakabulnerableng bansa sa mga sakuna ayon sa World Risk Report 2019 [1]. Ayon din sa Global Facility for Disaster Reduction and Recovery, 74% ng buong populasyon ng Pilipinas ay nanganganib na makaranas ng kalamidad at sakuna.
Ano ba ang ginagawa ng Pilipinas upang tugunan ang krisis na ito? Simula nang maupo bilang pangulo si Rodrigo Duterte noong 2016 ay pinabayaan niya ang pagtugon sa krisis pang-klima. Isa sa unang kapalpakan na ginawa ni Duterte at ng kanyang administrasyon ay ang pagbawas sa pondo ng ahensya na tumutugon sa mga epekto ng kalamidad na tumatama sa Pilipinas. Noong unang taon pa lamang ng administrasyong Duterte ay kinaltasan nito ang pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC noong 2017. Mula sa ₱38.9 bilyon noong 2016 ay nangalahati ito at naging ₱15.8 bilyon. Tumaas muli ito noong 2019 at naging ₱20 bilyon, ngunit sa pagpasok ng 2020 ay nabawasan ito at bumaba sa halagang ₱16 bilyon [2]. Tila iba ang prayoridad ni Duterte dahil imbis na taasan ang pondo ng NDRRMC ay binabaan niya ito. Samantala, ang confidential at intelligence fund ng Office of the President ay tumaas sa halagang ₱9.3 bilyon [3]. Ang bagong tatag na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay nilaanan ng ₱19 bilyong pondo [4]. Ang tanging gawain lang naman ng NTF-ELCAC ay tawaging komunista ang mga kritiko ng pamahalaan at maghasik ng propaganda ng administrasyong Duterte. Hindi biro ang mga malalaking halagang ito, mas marami sana ang matutulungang mga Pilipino kung ilalaan para sa ibang mga proyekto ang mga naglalakihang pondong ito.
Ang NDRRMC din mismo bilang institusyon ay maraming kakulangan at problema na siyang nalantad ngayong 2020. Hindi handa ang ahensya noong pumutok ang bulkang Taal noong Enero. Hindi rin nakapagplano ang ahensya sa biglaang pagbaha sa Cagayan at Albay nang tamaan ito ng sunod-sunod na bagyo. Ayon sa isang policy briefing ng Senado noong 2017, tinukoy nito ang mga problemang kinakaharap ng NDRRMC [5]. Una rito ang mahinang koordinasyon ng mga opisyal ng ahensya, mga lokal na pamahalaan, civil society organizations, volunteers, pribadong sektor, at iba pang mga ahensya ng gobyerno. Dahil ang NDRRMC ay pinamumunuan ng iba’t-ibang kalihim mula sa Department of Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), Department of Science and Technology (DOST), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Economic Development Authority (NEDA), hindi makapagpokus ang ahensya. Ikalawang isyung nakikita ay ang mababang tingin sa disaster risk reduction and management activities. Hindi prayoridad ng mga lokal na pamahalaan ang paghahanda para sa mga sakuna dahil hindi dama agad ang epekto nito hindi tulad sa edukasyon, pagkain at kalusugan. Ikatlo ay ang kakulangan sa training at badyet. Mahina rin ang pagpapatupad sa mga batas na siya sanang susi sa paghahanda sa mga sakuna. Hindi naipatutupad ang mga alituntunin sa hindi pagtatayo ng mga bahay at gusali sa mga mapanganib na lugar gaya ng tabing-ilog at paanan ng mga bundok. Hindi rin naipatutupad ang mga building code dahil kadalasang tinitipid ang mga badyet sa pagpapatayo ng mga gusali at imprastraktura. Ang mga calamity funds din ay palaging nakalaan sa pagtulong kapag tapos na ang sakuna. Walang pondo ang inilalaan sa paghahanda bago dumating ang mga sakuna at laging nakatuon lamang sa mga relief operations kapag nakadaan na ang bagyo at humupa na ang baha. Ang pag-akses sa tamang impormasyon sa tamang panahon ay isa ring problema dahil hindi sentralisado ang impormasyon tungkol sa nakaambang panganib, pinsala, at pinakamainam na paraan ng pagtugon sa mga sakuna. Hindi rin malinaw ang pagtatala ng disaster funds, foreign aids, at paglalabas ng pondo para sa mga lokal na pamahalaan. Ipinakita ng 2020 at ng palpak na pagtugon sa mga sakuna na hindi inayos ni Duterte ang mga natukoy na problema ng NDRRMC.
Sa halip din na magtalaga ng mga indibidwal na kwalipikado para sa mga posisyon, mga retiradong heneral mula sa militar ang inilalagay ni Duterte sa mga ahensyang wala namang kinalaman sa pambansang seguridad. Hindi itinanggi ni Duterte na siya ang pasimuno ng militarisasyon ng kanyang administrasyon [6]. Aniya, masunurin, disiplinado at hindi kinekwestyon ang kanyang awtoridad ng mga heneral na inilalagay niya sa pwesto. Ilan sa halimbawa ng mga retiradong heneral na nasa katungkulan ngayon ay sina Eduardo Año ng DILG, Roy Cimatu ng DENR at Rolando Bautista ng DSWD. Imbis na mismong tugunan ang krisis pang-klima, mas binigyang halaga pa na gawing kalihim ang tatlong heneral na ito dahil sa kanilang katapatan at hindi sa kanilang kwalipikasyon. At kahit sinasabi ni Duterte na epektibong mga pinuno ang mga heneral niya, nagmula rin naman sa mga heneral niya ang pinakamalalaking eskandalong kinasangkutan ng administrasyon ni Duterte gaya ng korapsyon sa Philhealth sa ilalim ni Ricardo Morales, paglusot ng bilyon-bilyong shabu sa Bureau of Customs sa ilalim ni Isidro Lapeña at ang kontrobersyal na paglaya ng mayor at rapist na si Antonio Sanchez sa ilalim ng pamamalakad ni Nicanor Faeldon sa Bureau of Corrections.
Noong taong 2017 din ay nawalan ng pondo ang Project NOAH. Ang Project NOAH o kilala rin bilang Nationwide Operational Assessment of Hazards ay isa sa mga proyekto ng administrasyong Aquino. Layunin ng proyektong ito na magbigay ng mga paunang abiso ukol sa mga paparating na baha, landslide, bagyo, at iba pa. Gamit ang mga abiso na ito, matutulungan sana nito ang mga awtoridad na gumawa ng mga desisyon na nakaatang sa tama, eksakto, at siyentipikong impormasyon. Subalit, noong 2017 ay wala nang nailaang pondo para sa proyektong ito at bagamat nagsimula pa ito noong 2016 kung kailan patapos na ang termino ni Aquino. Walang ginawa and administrasyong Duterte upang tugunan ang panawagan ng direktor ng proyekto na si Dr. Mahar Lagmay. Ang pinakainaalala ni Lagmay ay ang mga dalubhasa na mawawalan ng sahod kapag itinigil ang pagpopondo ng proyekto [7]. Ayon kay Lagmay, ang mga dalubhasa at mga siyentista na bahagi ng proyekto ang pinakamahalagang aspeto ng proyekto dahil sa kanilang kakayahang manaliksik. May mga pamilyang binubuhay din naman daw ang mga taong ito at maaari silang humanap ng oportunidad sa labas ng bansa kung mawawalan sila ng sahod. Sa kasalukuyan, Unibersidad ng Pilipinas ang sumalo sa Project NOAH.
Hindi rito tumitigil ang masamang trato sa mga siyentistang Pilipino dahil kamakailan lamang ay naibalita ang pagbawas sa pondo ng Research and Development division ng DOST. Para sa taong 2021, mababawasan ng kabuuang halaga na ₱76 milyon ang dibisyon na siyang makakaapekto sa mga pananaliksik at pag-aaral ng mga siyentistang Pilipino [8]. Ang mga maaapektuhan na pag-aaral ay yaong may kinalaman sa Philippine Textile Research Institute, Philippine Nuclear Research at Metals Industry Research and Development Center. Mga Pilipinong siyentista ang nagdurusa sa kawalan ng atensyon sa kanila ng pamahalaan dahil karamihan sa kanila ay kontraktwal, walang benepisyo, may maliliit at laging huli ang sahod.
Pati ang mga foreign aid na ibinibigay ng ibang bansa ay hindi ligtas kay Duterte. Maglalaan sana ng $36 milyon ang bansang Germany para sa pag-aaral sa climate change dito sa Pilipinas ngunit nang malaman ni Duterte na isa ang Germany sa mga bansang bumoto pabor sa imbestigasyon ng human rights violations ng War on Drugs ni Duterte ay ipinatigil niya ang foreign aid na ito [9]. Noong ika-27 ng Agosto 2019, may kumalat na memorandum na nagsasabing ipatitigil ang mga foreign loan at fund na pumapasok sa Pilipinas mula sa mga bansang sumang-ayon. Klinaro naman ng Department of Finance na hindi lahat ay ipapatigil pero dalawang foreign aid program ang naapektuhan. Isa rito ang nabanggit na pagpopondo sa pag-aaral ng climate change ng Germany at ang $21 milyong ayuda ng bansang France para sa pagpapasimula ng Bus Rapid Transport system sa Maynila. Idinamay ni Duterte ang mga Pilipino sa kanyang pagmamaktol.
Bilang pagtugon sa mga kahingian ng Paris Climate Agreement, dapat ay nagsisimula nang gumamit ng mas malinis na paraan ng paggawa ng enerhiya (renewable energy) gaya ng solar at wind energy ang Pilipinas. Ngunit ayon sa IBON Foundation, simula nang maupo si Duterte sa pwesto ay mas lalong tumaas ang produksyon ng enerhiya sa Pilipinas gamit ang maduming uling o coal at langis (non-renewable energy)[10]. Dahil pribatisado ang industriya ng enerhiya sa Pilipinas, mas pinipili ng mga kumpanya gaya ng Meralco at iba pang electric cooperatives na kumuha ng kuryente mula sa mga planta na gumagamit ng pinakamurang pinagkukunan ng enerhiya gaya ng langis at uling. Noong 2018, binubuo ng 61% ng mga non-renewable energy source ang kabuuan ng enerhiyang naprodyus sa bansa. Ayon sa pag-aaral ng IBON Foundation, simula nang maupo si Duterte noong 2016, tumaas mula sa 43,303 Gigawatt hours patungong 57,890 Gigawatt hours ang naprodyus na enerhiya mula sa coal o uling. 11 sa 49 na committed power projects ay mga coal-fired power plants. Tumaas din ang antas ng pag-angkat ng coal o uling mula sa ibang bansa sa panahon ni Duterte. Bilang resulta nito ay patuloy na tumataas ang antas ng greenhouse gas na napoprodyus ng Pilipinas at mas lalo nitong pinaiigting ang krisis pang-klima.
May mga hakbang naman na ginagawa ang pamahalaan upang lumikha ng enerhiya mula sa malinis na paraan gaya ng heotermal (geothermal), lakas ng tubig (hydropower), at mga biofuel. Ngunit sa halip na makatulong na tugunan ang krisis pang-klima ay mas pinapapalala ito ng mga hakbangin ng gobyerno. May pinaplanong geothermal plant sa isla ng Negros ngunit maaapektuhan nito ang nakapaligad na kagubatan at mga nakatirang hayop dito. Malalagas ang mga dahon ng mga puno dahil sa ilalabas na sulfur oxide ng planta. Ang mga hydro-electric dam naman na pinaplano ng administrasyong Duterte gaya ng Kaliwa Dam na popondohan ng perang inutang mula sa Tsina ay makakaaapekto sa kapaligaran ng Sierra Madre [11]. Ang lugar kung saan itatayo ang dam ay sa Tanay, Rizal at General Nakar, Quezon. Deklarado bilang National Park at Wildlife Sanctuary ang bahaging ito ng Sierra Madre at siya ring tahanan ng critically endangered na Philippine Eagle. Ngunit ang mas malala ay maraming tao ang sapilitang mapapaalis sa lugar na ito dahil aakyat ang lebel ng tubig kapag inumpisahan na ang proyekto. Mahigit 6,000 residente at mga katutubong Dumagat-Remontados ang maaapektuhan ng proyektong itatayo sa kanilang lupang ninuno [12].
At ikahuli ay ang pasismo ni Duterte na pumapatay sa mga tagapagtanggol ng kalikasan. Ayon sa Global Witness, para sa taong 2019, ikalawa ang Pilipinas sa pinakamapanganib na bansa para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan at lupa[13]. Noong nakaraang taon, 43 tagapagtanggol ng kalikasan at lupa ang pinatay sa Pilipinas. Maaari ngang mas lumakas ang panawagan ukol sa krisis pang-klima dahil sa aktbismo ng kabataan na pinasimulan ni Greta Thunberg. Dito sa Pilipinas at sa buong mundo, mga katutubo ang kadalasang biktima ng pangdadahas. Malaki ang papel na ginagampanan ng mga katutubo sa paglaban sa krisis pang-klima. Pinoprotektahan nila ang mga kabundukan, ilog, kagubatan at iba pang likas yaman na siyang susi sa pagbawas sa greenhouse gas sa mundo. Ngunit dahil sila ay mga nasa lugar na mayaman din sa mineral, isda, at lupang pangsaka, sila ay pinupuntirya ng mga malalaking mining, logging at agribusiness corporations. Kabilang sa mga biktima ng pangdadahas at pagpatay dito sa Pilipinas ay ang mga Talaingod-Manobo ng bulubunduking Pantaron sa Mindanao. Noong nakaraang taon ay binigyan ng permit ang tatlong mining company (Penson Mining Corp., Lianju Mining Corp., at ang Philippine Meng Di Mining & Development Corp.) upang magmina sa Pantaron. Upang mapalayas ang mga katutubong Lumad sa Pantaron, kinukuntsaba ng mga mining company ang militar upang marahas na paalisin ang mga katutubo. Hindi nakapagtataka na kalahati sa mga naiulat na pagpatay sa mga tagapagtanggol ng kalikasan sa panahon ni Duterte ay may kinalaman sa mga sundalo ng gobyerno at mga paramilitary groups. Upang mas lalong sindakin ang mga katutubo, pati ang mga paaralan para sa mga kabataang katutubo ay sinisira at ipinasasara ng Department of Education. Kabilang din sa mga pinatay sa ilalim ng rehimeng Duterte ang mga sakada at magsasaka sa Negros na ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa lupa. Kung aalalahanin, noong 2018 at 2019 ay sunod-sunod ang mga pagpatay sa Negros. At ngayong 2020 ay naisabatas na ang Anti-Terror Law na mayroong malabong kahulugan ng terorismo na madaling abusuhin sa pamamagitan ng pag-aresto sa mga indibidwal na pinaratangan lamang ng pagiging terorista. Naging lubhang mas mapanganib ang Pilipinas hindi lamang sa mga tagapagtanggol ng kalikasan kung hindi para sa sinumang nais ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipino. Ayon nga sa Global Witness, kung nais nating masolusyunan ang krisis pang-klima ay dapat nating protektahan at pakinggan ang mga ipinaglalaban ng mga aktibistang ipinagtatanggol ang kalikasan at lupa.
Ngunit hindi kay Duterte nagtatapos ang laban. Kailangan nating panagutin ang mga malalaking dayuhang korporasyon at mga imperyalistang bansa na sanhi ng krisis pang-klima.
Ngayon na ang panahon upang mangalampag at mas lalong palakasin ang panawagang patalsikin si Duterte. Si Duterte ay walang pakialam sa kapakanan ng mga Pilipino at kalikasan. Ngunit hindi kay Duterte nagtatapos ang laban. Kailangan nating panagutin ang mga malalaking dayuhang korporasyon at mga imperyalistang bansa na sanhi ng krisis pang-klima. Kailangang magkaisa ang mga Pilipino, kasama ang buong mundo, upang magtaguyod ng isang mundo na hindi nakadepende sa maruming paglikha ng enerhiya mula sa langis at uling. Lahat tayo ay may gampanin sa pagpapaunlad ng pambansa, siyentipiko at makamasang solusyon para sa krisis pang-klima.
References
- [1] IBON Media & Communications. Lower disaster budget shows lack of govt priority. IBON Foundation, Enero 15, 2020. https://www.ibon.org/lower-disaster-budget-shows-lack-of-govt-priority/
- [2] Ibid.
- [3] Ibid.
- [4] Katrina Domingo. Congress bicam panel retains P19-B anti-insurgency fund in 2021 budget. ABS-CBN News, Disyembre 9, 2020. https://news.abs-cbn.com/news/12/09/20/congress-bicam-panel-retains-p19-b-anti-insurgency-fund-in-2021-budget
- [5] Senate Economic Planning Office. Examining the Philippines’ Disaster RiskReduction and Management System. Senate of the Philippines, Policy Briefing, Mayo 2017. http://webcache.googleusercontent.com/search?q=cache:8HAk8sYPoXUJ:legacy.senate.gov.ph/publications/SEPO/PB_Examining%2520PH%2520DRRM%2520System_Revised_27June2017.pdf+&cd=15&hl=en&ct=clnk&gl=ph
- [6] Alexis Romero. Duterte admits ‘militarization of government’. Philstar, Nobyembre 2, 2018. https://www.philstar.com/headlines/2018/11/02/1865212/duterte-admits-militarization-government
- [7] Janvic Mateo. Gov’t shuts down Project NOAH. Philstar, Pebrero 2, 2017. https://www.philstar.com/business/science-and-environment/2017/02/02/1668037/govt-shuts-down-project-noah
- [8] Glee Jalea. DOST budget for research cut by ₱76 million. CNN Philippines, Setyembre 9, 2020. https://cnnphilippines.com/news/2020/9/9/DOST-budget-P76-million-research.html
- [9] Beatrice M. Laforga. DoF looking for alternatives to German climate-change study loan. Business World, Setyembre 29, 2019.
- [10] IBON Media & Communications. Dirty Duterte admin: More coal energy than ever. IBON Foundation, Oktubre 24, 2020. https://www.ibon.org/dirty-duterte-admin-more-coal-energy-than-ever/
- [11] Haribon. KALIWA DAM WILL DESTROY SIERRA MADRE BIODIVERSITY. Haribon Foundation, Nobyembre 20, 2018. https://haribon.org.ph/kaliwa-dam-will-destroy-sierra-madre-biodiversity-haribon-foundation/#:~:text=The%20construction%20of%20the%20multi,the%20Critically%20Endangered%20Philippine%20Eagle
- [12] Julia Mari Ornedo. Dumagats to be displaced by Kaliwa Dam see proposed housing as ‘coffin, jail’. GMA News, Enero 8, 2020. https://www.gmanetwork.com/news/news/regions/721495/dumagats-to-be-displaced-by-kaliwa-dam-see-proposed-housing-as-coffin-jail/story
- [13] Global Witness. Defending Tomorrow: The climate crisis and threats to land and environmental defenders. Global Witness, Hulyo 2020. file:///D:/Users/Republic%20of%20Gamers/Downloads/Defending_Tomorrow_EN_low_res_-_July_2020.pdf