Ang Nanay Kong Nurse: Mga Kwento ng mga Single Mother na Nursing Staff sa Panahon ng Pandemya
Sa panulat ng Institute for Nationalist Studies
Saan napupunta ang maghapon at higit pang pagkayod ng nanay kong nurse? Noong kasagsagan ng pandemya, hindi kami madalas magkasama ni Mama sa bahay. Miss na miss ko siya dahil sunod-sunod ang kanyang mahahabang shift. Minsan, naririnig ko siya, “Sana dumating na yung hazard pay namin,” para makabayad na raw kami sa renta, tuition, at mga utang. Tapos sabi niya sa akin isang beses, kung kaya niya lang, sasama siya sa pagkilos ng mga frontliners na nananawagang ibigay na sa kanila ang mga nararapat nilang benepisyo. Nakikita ko ang pagod ni Mama, kaya sana talaga matumbasan lahat ng sakripisyo niya para sa aming pamilya.
Ayon sa ulat ng Commission on Audit para sa taong 2020, nakapagtala ng “deficiencies” at mga kaduda-dudang transaksyon ang Department of Health sa paggamit ng pondo nito sa pagtugon sa COVID-19 pandemic. Umabot sa halagang P67 bilyon ang mga naitalang deficiencies ng DOH. Ito ay sa kabila ng mga daing ng ating frontliners na hindi pa nila natatanggap ang mga benepisyo gaya ng hazard pay at Special Risk Allowance.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, karamihan ng mga nagtatrabaho sa sektor ng kalusugan ay kababaihan. Tulad ni mama na tumatayo rin bilang haligi ng tahanan, ang hagupit ng pandemya ay nagsilbing doble hamon para sa katulad niyang nurse na isa ring nanay.
Madalang ko makasama si nanay
May kaibigang nurse si nanay na nagngangalang Jenny, tatlumpu’t limang taong gulang, may dalawang anak na sampu’t anim na taong gulang. Nang mag-umpisa ang pandemya, si Tita Jenny ay nagtatrabaho sa Surgery Ward. Labindalawang oras ang kanyang duty at nang lumala ang pandemya, kinailangan niyang umupa ng apartment sa likod ng ospital sa takot na maiuwi niya ang COVID-19 sa kanilang tahanan.
Mula Mayo hanggang Oktubre 2020, isang beses lang kada buwan nakakauwi si Tita Jenny. “Ang nangyayari, para akong nasa ibang bansa. Tinatawagan ko mga anak ko. Naka-messenger call kami”, kwento niya. Ang kanyang nanay at kapatid lamang ang nag-aalaga sa kanyang dalawang anak habang siya ay nag-iisa sa apartment. Tulad ni Mama, palagi kong tanong ay, “Bakit hindi sila umuuwi sa bahay araw-araw?” Ni hindi ko na sila nakukumusta o nakakasamang kumain. Habang nangangapa ang mga anak ni Tita Jenny sa online class, aniya, “Nako mahirap. Lahat na ng depression makukuha mo. Syempre, ‘di mo nakikita anak mo. Eh, wala, namimiss ako, umiiyak. Syempre ‘pag may nararamdaman, ‘pag may sakit, ‘di naman ako makauwi, nakakatakot umuwi, baka mamaya dala ko yung virus, mahawaan ko sila.”
Nang ma-rotate ng duty si Tita Jenny, siya ay naging kabilang sa infection control unit ng ospital. Naging tungkulin niya ang kumalap ng mga datos, census, at inventory para sa mga ulat na sinusumite sa DOH. Kasama rin sa kanyang trabaho ang pag-asikaso sa admission process ng mga kawani ng ospital na nagpositibo sa COVID-19. Mas lumuwag ang iskedyul ni Tita Jenny at nagkaroon siya ng pagkakataong makauwi araw-araw sa kanyang pamilya. Ngunit sa kabila nito, ibinahagi ni Tita Jenny na hindi nagbago ang bigat ng kanyang trabaho.
“Ang problema lang, minsan walang oras na pinipili yung referral. Kahit, Saturday, Sunday, trabaho kami, work from home, sa bahay namin.” Walang ipinagkaloob na counselling o psychological support ang pagamutan at gobyerno sa kabila ng stress na dulot ng kanyang trabaho. Ngunit una sa lahat, sila ay tao muna bago sila naging nurse.
Noong Enero 2021, nagkaroon siya ng pneumonia. Sa hinuha ni Tita Jenny, nakuha niya ito mula sa Oncology Unit nang humawak siya ng mga immunocompromised patients. “Hindi ako natulog noong unang araw [ko sa quarantine facility] kasi natakot ako, kasi mamaya kung ano pala yon. Natakot ako kasi baka COVID,” dagdag niya. Sa kabila ng mga panganib na dala ng kanyang trabaho, hindi siya nakatanggap ng Special Risk Allowance at hazard pay dahil hindi raw siya direktang humahawak ng mga COVID-19 cases.
Bago tumaas ang sahod ng mga nurse patungong salary grade 15 — ang ipinaglalabang antas ng sahod para sa mga entry-level nurse — ang sahod ni Tita Jenny ay mas mababa pa sa P20,000. Kanya ring ibinahagi na hindi siya nakatanggap ng ayudang relief goods at pera mula sa kanilang barangay o Local Government Unit. “Ay isa pa yan. Hindi naman ako, lagi kasi nilang sinasabi na hindi kami kasama, lalo ako, kasi government employee daw ako. Kaya kahit anong ayuda, hindi kami nakasama kahit isang beses”. Ang kawalan ng ayuda ay isa sa mga patunay na wala talaga sa kalooban ng gobyerno na pagsilbihan ang lalo pang naghihirap na masa. Dahil sa prinsipyo ng naghaharing-uri, ang pagpapanatili sa kapangyarihan ay pagpapatuloy ng kanilang interes.
Hindi natutumbasan ng kakarampot na sahod ng mga frontliner ang bigat ng kanilang trabaho
Isa pa sa mga kaibigan ni Mama na kapwa niya solo parent ay isang nursing attendant na si Tita Angela, apatnapu’t-apat na taong gulang, may dalawang anak na labingtatlo at sampung taong gulang. “Ako po ay hindi nurse, kundi isang nursing attendant na pwedeng makulong dahil walang hawak na lisensya, walang hahabulin, kundi ang bigat ng trabaho,” ani ni Tita Angela. Parehong trabaho at parehong labindalawang oras din ang duty nila kagaya ng mga nurse ngunit ang sahod ng isang Job Order (JO; kontraktwal) na NA ay P12,000 lamang. “Tapos ay kakaltasan pa ako ng Philhealth, SSS, kasabay ng maliit na sweldo. Kinakailangang magtiis dahil sa JO ay walang benepisyo, hazard pay, maski allowance o bonus”, ani ni Tita Angela.
Sa ngayon, walang katulong si Tita Angela na magbantay sa kanyang dalawang anak, dahil ang magulang niya ay pumanaw na. Kaya napipilitan siyang araw-araw iwan ang mga anak nang mag-isa lamang sila. “Ngayon, ang nangyari, ang panganay kong lalaki, unti-unti natutong magluto. Ang mahirap don ay tuwing online class, sa phone, naka-videocall kung ano ginawa sa klase, tapos isesend sa akin para matignan ko. Bale, gumagawa ka ng trabahong opisina kasabay ng mommy duties.” Higit pa sa distansya mula sa kanilang iskrin ang nararamdamang pangungulila ni Tita Angela. Tulad ni Mama, hindi sila makauwi araw-araw para man lang makasabay kumain ang mga anak at kumustahin ang kanilang pag-aaral.
Sa kasalukuyan, hindi naka-assign sa isang ward si Tita Angela. Siya ang secretary ng Chief Nurse at kahit weekends ay kailangang lagi siyang on-call at dapat handang mag-report sa duty. Inamin niyang nakakalimutan na niyang alagaan sarili niya. “Kung iinom lang ng vitamins, uminom lang ako nung nagkasakit ako. After, wala. Before, wala. Ang ano ko, sa mga bata. Exercise, wala ako non. Namomonitor ko yung laboratory, blood sugar, wala. Kahit may sakit ka, ipapahinga mo lang. Tapos trabaho ka pa rin.” Para sa kanila, itong trabaho nila ay isang malaking warzone kung saan hindi lamang digmaan laban sa virus ang kanilang araw-araw na kinakaharap, kundi ang laban din sa kalungkutan, pagod, pangungulila, at ang sariling takot na mahawa ang kanilang mga pinakamamahal sa buhay.
Ngunit noong Marso ngayong taon, nagpositibo si Tita Angela sa COVID-19 at kinailangang mag-quarantine ng labing-apat na araw. Dahil dito, hindi siya nakakauwi sa bahay upang alagaan ang kanyang anak. “Nung nalaman kong COVID positive ako, talagang iniyakan ko. At least, kasi sa gabi, kasabay ko silang natutulog, eh pa’no yun ngayon? Naka-quarantine ako, ayaw akong pauwiin. Balak ko pa nga no’n, tumakas.” Napanatag lamang ang kanyang kalooban nang ipangako ng kanyang mga kasamahan sa trabaho na dadalhan nila ng pagkain at titingnan nila ang kalagayan ng mga anak niya.
Sa ilalim ng pandemyang ito, ang “pagnanakaw” ay hindi lamang limitado sa korapsyon, ito rin ay mga ipinagkait na oras at sandali sa ating frontliners mula sa kanilang mga pamilya na kanilang pangunahing lakas at suporta.
Nang makabalik sa trabaho si Tita Angela, nag-umpisa siyang mag-apply para maging casual o regular sa kanyang trabaho dahil isang taon na siyang JO. Sa loob ng dalawang buwan, walang ibinigay na bayad (ni isang sentimo) habang hinihintay na umusad ang kanyang application process. “Sa totoo lang, ang ATM ko nakasanla. Hanggang ngayon, ‘di ko pa natutubos, dapat sana ngayon, kaso wala pang sahod.”
Sa kabila ng kawalang ayuda mula sa kinauukulang barangay at mapanganib na trabaho, walang ipinagkaloob ang ospital at gobyerno na suporta para sa kanilang mental at emosyonal na kalusugan.
Dahil walang tulong, kailangan kong dumiskarte
May madiskarteng kaibigan si Mama na kapwa niya rin nurse at single mother. Siya si Tita Joy, tatlumpu’t-limang taong gulang na may isang anak na apat na taong gulang. Walang ibang katuwang si Tita Joy sa pagpapalaki ng kanyang anak kundi ang nanay niya. Kwento ni Tita Joy, “Actually during pandemic last year, kakasimula ko pa lang [magtrabaho bilang nurse]. Nagdalawang isip ako kung itutuloy ko ba or hindi, kasi meron akong anak, syempre, single parent ako, walang ibang titingin sa anak ko. What if ma-infect ako, kawawa yung anak ko.” Sa kabila ng pangamba niya, nanaig ang kanyang tungkulin na magtrabaho dulot ng marahas na katotohanang upang mabuhay, kinakailangang kumayod.
Na-assign siya sa OB-Ward kung saan tumulong siya sa mga nanganganak. Napunta rin siya sa Neonatal Intensive Care Unit. Sa kasalukuyan, siya ay nagtatrabaho sa receiving area ng COVID-19 referral facility ng ospital. “Ang dami nating extra precautions. Maraming tayong protocols na ginagawa lalo na nung pandemic para hindi ma-infect. Nagsusuot ka ng PPE, napakainit. Parang ang hirap magtrabaho nung time na yon tapos galaw ka pa nang galaw. Pagdating mo talaga, pagod na pagod ka.” Ngunit tuwing uuwi raw siya sa bahay ay hindi pa rin siya pwedeng magpahinga. Dahil maliit pa ang anak niya, kailangan niyang tutukan ang pag-aalaga sa anak. Isa pa sa pagsubok na kinaharap niya ay ang transportasyon. Noong kasagsagan ng ECQ noong nakaraang taon, umarkila ng jeep ang ospital. Ngunit kalaunan ay kinailangan na rin daw nila magbayad. Mahirap daw bumiyahe lalo na at madalang daw ang mga pumapasadang tricycle noon.
Dahil siya ay bagong empleyado lamang, siya ay nagsimula bilang Job Order. “Nung JO pa lang ako na nag-uumpisa last year, which is 645 [pesos] for 8 hours. Hindi talaga sapat yon, sobrang hindi sapat yon, kasi nagmimilk, nagda-diaper pa yung anak mo, yung kuryente nyo. Kaya ang ginagawa ko, dumidiskarte ako.” Pumapatak na halos P13,000 lamang ang sinasahod niya nang mag-umpisa siya. Upang may mapagkuhanan ng extra income, “Rumaraket talaga ako. ‘Pag day-off ko, nag-ooffer ako ng vaccine, ng flu vaccine. May doktor ako na ka-tie up. Tapos, ano pa, yung mga items, binebenta ko. Mga dry goods, clothings. [Kailangan] maging independent woman. Maging raketera ka.” paliwanag niya, “Kasi walang ibang tutulong sayo.”
Nang nag-positibo sa COVID-19 ang kanyang ina, nakipagkasundo siya sa LGU na huwag nang kunin ang kanyang nanay para mag-isolate sa quarantine facility. Si Tita Joy na mismo ang nagpasyang magsilbi’t mag-alaga sa kanyang nanay. Sa kabila ng pait ng problemang kanyang hinaharap, ipinahiwatig ni Tita Joy na walang paid leave ang mga JO na empleyado, “Sa JO kasi, pag sick leave ka, no work, no pay yan eh. Pumasok ka o hindi, walang bayad yan.”
Ang daming inaasahang sakripisyo ngunit ang liit ng tingin sa kanila ng gobyerno
Bumabangon ang mga frontliner kagaya ni Mama at mga kaibigan niya na bitbit ang bigat ng responsibilidad ng pagtataguyod sa kanilang mga sariling pamilya habang pasan din ang buhay ng kapwa nila tao. Sa lahat ng paghihirap na ito, pangungulila ang nararamdaman ng ating healthcare workers, na tila wala silang masasandigan, na walang ibang tutulong sa kanila. Hindi mali ang manawagan ng dagdag benepisyo kung buhay ang kapalit at pinagsisilbihan.
Ang krisis pangkalusugan at pang-ekonomiya ang tumutulak sa ating mga nurse na lumipat ng propesyon at lumisan ng bansa upang iahon ang kanilang pamilya sa hirap. Taon-taon, paulit-ulit na iginigiit ng iba’t ibang organisasyon ang pangangailangan ng mga nurse sa isang sistemang makatao’t nagbibigay ng sapat na suporta. Sa totoo lang, hindi makasariling desisyon ang pangingibang-bansa, mahirap naman yata na magpatuloy na maglingkod sa isang bansang ang daming inaasahang sakripisyo mula sa mga frontliners ngunit isinasawalang bahala ang kanilang mga daing at panawagan.
Ang tao, gaya ng isang kandila, ay napupundi at nauubos. Para sa mga nanay na isa ring nurse na pinagkaitan ng makataong pagtrato ngayong pandemya, isang malaking pandaraya ang sistemang umiiral. Sa kabila ng lahat, ipagpanawagan natin ang sapat at tapat na sahod, benepisyo, at ayuda para sa ating frontliners.