Ang Pandemya ng Neoliberalismo, Kapitalismo, at Pasismo ng Gobyerno
Pandemya, Neoliberalismo at ang Krisis ng Sistemang Kapitalismo
Sa gitna ng pandemya dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), kinahaharap ng mamamayan ang mas matindi at doble pasakit na kahirapan. Milyun-milyong mga manggagawa ang nawalan ng hanap-buhay¹, mga negosyong nagsara², mga indibidwal na stranded sa malalayong lugar, pagtigil at pagkaantala ng mga klase, at marami pang mga kalunos-lunos na sitwasyon ng mga ordinaryong pamilyang Pilipino.
Sa gitna ng mga kalagayang ito, ay nagiging lantad ang kabulukan ng isang sistemang “normal” sa matagal na panahon. Mula sa “business as usual” ng mga pagawaang isinasangkalan ang siguridad ng mga manggawa, hangganga sa “business as usual” na kurapsyon, kainutilan, at pasismo ng gobyerno. Habang patuloy na nasasadlak sa kahirapan ang matagal nang mahihirap na mga Pilipino, kasabay ng pangamba sa kalusugan at siguridad, niratsada ng gobyerno ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law noong Hulyo³, nagpapaptuloy ang pagprotekta sa mga kaalyado at kapritso ng mga nasa kapangyarihan⁴, at pilit na ibinabaling ang atensyon ng mamamayan mula sa korapsyon⁵ at nakawan sa burukrasya tungo sa mga programang palamuti sa mata ngunit nakabubutas sa bulsa ng kaban ng bayan⁶.
Sa umiiral sistema sa ilalim ng mga neoliberal na mga patakarang pang-ekonomiya, bukang-bibig ng Pangulo at ng kaniyang mga alipores na wala di umanong pondo ang pamahalaan para sa kalusugan, ayuda sa mga mahihirap at malilit na negosyo, wage subsidy para sa mga nawalan ng hanapbuhay, at ligtas na balik eskwela ng mga kabataan⁷. Sa mga patakarang neoliberal, tuloy-tuloy ang pagbabawas ang mga pondo sa mga batayang serbisyo gaya ng kalusugan, edukasyon, at pabahay, at tuluyang pagsasapribado ang mga ito. Sa pagbungad pa lamang ng pandemya ay dama agad ang pagkabigo ng neoliberalismo at sistemang pagdaigdigang kapitalismo. Patuloy na bumibigay ang sistemang pangkalusugan ng bansa — puno ang mga ospital, kulang ang mga healthcare worker, kulang ang mga gamot at kagamitan. Pasan ng mamamayan ang kahirapang dulot ng isang sistemang hindi kailanman naging para sa mahihirap — ang sistemang neoliberal at pandaigdigang kapitalismo.
“The richest got $37 billion richer during COVID-19, while millions lost their jobs”, ani ng isang article sa Yahoo! Finance Canada⁸. Ayon naman sa report ng Business Insider ay nasa $845 billion naman ang itinaas ng yaman ng mga bilyonaryo sa Estados Unidos⁹. Kung susuriin ay mukhang normal lamang ito sapagkat sila ang may hawak sa mga pinakamalalaking negosyo sa mundo gaya ni Elon Musk (may-ari ng Tesla) at Jeff Bezos (ang kasalukuyang pinakamayamang-tao sa buong mundo at ang nagmamay-ari ng Amazon)¹⁰. Lagapak ang pangkabuuhang ekonomiya ng mga bansa sa mundo, samantalang ang mga malalaking kumpanya ay nananatiling nakatayo at malakas dahil sa suporta ng kani-kanilang mga gobyerno. Ito’y dulot ng neoliberal na mga patakarang itinutulak ang pagpaparaya ng estado sa dikta ng merkadong pinapaandar naman ng iilang kapitalistang may monopolyo sa kalakaran at produksyon ng mundo.
Imbis na tugunan ng estado ang kanyang konstitusyonal na mandatong tumugon sa panawagan ng mamamayan, nalalantad ang katangian nito bilang institusyonal na kasangkapan ng naghaharing mga monopolyo kapitalista’t mga alyado nilang isinasalba’t nagpapakasasa pa nga sa yaman sa gitna ng krisis. Saksi ang Estados Unidos dito dahil nakapagtala sila ng mahigit kumulang 6 na milyon kataong nahawa ng COVID-19, at halos 200 libo na ang namamatay. Dagdag-pasakit ang kanilang pampribadong oryentasyon ng mga programang pangkalusugan.
Nakaranas naman ang Pilipinas ng recession matapos ang 29 taon nang dahil sa pandemya. Hindi lang mga negosyante ang napinsala dito sapagkat maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho. Lubos na naghirap ang sistemang PUV kaya’t na-puwersa ang mga drayber na mamalimos sa daan¹¹. Ang mga magsasaka naman ay nagkaproblema sa paglalagak ng kanilang mga inani kaya’t karamihan dito ay itinapon na lang¹². Dagdag pa dito ang pamiminsala ng mga palyang programa ng administrasyong Duterte at unahin ang mga bagay na hindi makakatulong sa pagbuti ng kalagayan ng mga tao. Ibig sabihin nito, sa kabila ng pandemyang inilublob ang ekonomiya ng nakaparaming bahagi ng sangkatauhan, tulad ng mga nakaraang krisis pampinansya, nagamit ng mga monopolyo kapitalistang bilyonaryo ang kanilang estado upang protektahan at palawigin ang kanilang pandaigdigang paghahabol ng yaman sa loob at labas ng kanilang bansa. Ang pang-ekonomiyang dominasyon ng mga monopolyo kapitalista’t mga alipores nila na nagreresulta ng mga krisis pampulitika’t digmaa’y hitsura ng pandaigdigang kaayusang tinatawag nating imperyalismo.
Dahil sa pandemya, lalong sumidhi ang kontradiksyon sa layunin ng monopolyo kapital na magpalawak ng kapangyarihan at magkamal ng yaman sa mukha ng imperyalismo. Subalit, dala ng matinding hambalos ng pandemya sa ekonomiya ng mga bansa, lalong uminit ang mga tunggalian sa loob ng kaayusang ito. Sa hanay ng mga imperyalista, patuloy na tumitindi ang economic warfare na nagaganap sa pagitan ng Estados Unidos, Tsina, at mga kaalyado nilang mga imperyalistang bansa. Mismo isang retiradong heneral ng US ay nagsabing may posibilidad ng digmaan sa nalalapit na mga taon¹³. Makikita natin sa mga usaping pang-international, unti-unting nalalantad kung sinu-sino ang mga magkakampi’t magkaaway. Tumitindi man ang agresyon ng US sa buong mundo, partikular sa Gitnang Silangan, hindi ito tahasang sinusuportahan ng buong international community — kahit ng mga imperyalista. Kung kaya nakikita nating lalong titindi ang pagbabangayan ng imperyalista dulot ng krisis sa ekonomiya, na galing din naman sa kapabayaan ng mga gubyernong sumasayaw sa indayog ng liberalisasyon at pribatisasyon sa gitna ng pandemya.
Sa loob naman ng mga imperyalistang bansa, inilantad at pinatindi ng pandemya ang kapalpakan ng neoliberal na patakarang ipinapatupad ng ganid na mga monopolyo kapitalista, at ang kanilang mapaniil na makinarya sa estado’t militar. Sunod-sunod ang mga kilos protesta laban sa anti-mamamayang polisiya, mga sistematikong pagyurak sa karapatan ng mga kababaihan, LGBTQ, pambansang minorya, at mga taong hindi puti ang lahi.
Sa buong kaayusan naman ng imperyalismo sa daigdig, nagsulputan na ang mga maka-kanan na mga pasistang lider bilang reaksyon ng monopolyo kapitalistang interes. Hinahayaan tayong mamatay sa sakit o kaya sa kawalan kabuhayan ng mga lider na katulad nina Duterte, Bolsonaro, Widodo, at iba pang sigang presidenteng tuta naman sa kani-kanilang imperyalistang amo. Laganap ang mga lider na ito sa mga kolonya’t mala-kolonyang bansa sa Global South, kung saan patuloy na nag-oorganisa ang mga mamamayan ng iba’t ibang kilusang masa. Sa mga ibang bansa pa nga, nagkakaanyo na ito sa hitsura ng civil war, tulad sa Pilipinas, India, Nepal, at hukbo ng mga Kurds, kung saan lumalaki ang bilang ng mga hukbong inisyatibang buoin ng mamamayan, upang protektahan at igiit nila ang interes ng nakararami sa hambalos ng reaksyon. Lalong pinatitindi ng inutil na kapabayaan ng estado, ang palagiang krisis ng mga bansa sa Global South tulad ng Pilipinas.
Pasismo at/ng Gobyernong Duterte
Bagama’t sa unang tingin parang malayo at malabo, masasabing ang pasismo ay bunga — at hindi lamang bunga kundi resulta ng pagbuo — ng kapitalismo, lalo na sa rurok nitong may hitsura ng imperyalismo. Sa pagsulong ng kapitalismo patungo sa produksyong monopolyo na ng iilang negosyante sa industriya’t bangko, lumikha ito ng samu’t saring mga problema at paghihirap para sa maraming tao, lalung-lalo na sa uring manggagawa at magsasaka. Sa kahirapang ito umusbong ang iba’t ibang mga kilusan at unyon ng mga manggagawa.
Sa pagsibol ng mga kilusan ng manggagawa at magsasaka, dagliang sumulpot ang pasismo bilang kalabang ideolohiya, ngunit ang tunay na kulay nito ay naging marahas at malupit sa pagsupil sa mga kilusan at unyon ng mga manggagawa. Sa ganang pumapabor ito sa isang uri ng kaayusan kung saan dehado ang uring manggagawa, bagama’t marahas ay naging atraktibo ito sa paningin ng kapitalismo.
Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, naiwan ang Estados Unidos bilang isa sa mga nalalabing makapangyarihang imperyalistang bansa. Upang ipakalat ang impluwensya nito sa buong mundo at panatilihin ang kontrol sa mga pamilihan, ginamit nito ang mga metodo ng pasismo, at lalong-lalo na itong naging hayag nang simulang suportahan at pondohan ng Estados Unidos ang mga pasistang rehimen sa Asya, America Latina, at Africa, o ang Global South. Bagama’t pagkatapos ng digmaa’y hindi kinailangan ng Estados Unidos ang maging lantarang pasista, sinuportahan nito ang mga mararahas na pasistang diktadura upang masiguro ang kontrol sa mga ekonomiya ng mga bansa sa Global South. Iilang kapirasong halimbawa nito’y ang pagsuporta ng US kay Syngman Rhee upang mahawakan nito ang ekonomiya ng South Korea. Gayundin ang suporta ng US kay Augosto Pinochet, isang heneral na kinudeta ang inihalal na sosyalistang presidente ng Chile na si Salvador Allende. Sa ilalim ng madugong rehimen ni Pinochet unang ipinatupad ang neoliberal na kaayusan.
Ang karanasan ng Pilipinas sa pasismo mula noong panahon ni Ferdinand Marcos ay nasa huling nabanggit: sa tulong ng rehimeng Marcos, libu-libong uring manggagawa na lumaban para sa kanilang karapatan ang pinahirapan o pinaslang sa ilalim ng rehimeng Marcos. Habang patuloy na dinadahas ni Marcos ang taumbayan, patuloy naman nitong binubuksan ang likas-yaman at pamilihan sa interes ng Estados Unidos, at kasama na rin dito ang pagpapanatili ng mga base militar ng Estados Unidos sa bansa.
Mawawaring ilang beses mang nagpalit ng administrasyon matapos ang Rebolusyong EDSA noong 1986, nananatili ang porma ng pasismo sa bansa: ang patuloy na pandarahas sa mamamayang lumalaban upang unti-unting buksan ang ekonomiya sa interes ng dayuhan, na ngayo’y may bago nang salitang ginagamit upang pagtakpan ang kanilang panghihimasok: neoliberalismo. Ang rehimeng Duterte mismo ay pasista ring maituturing, ngunit di tulad ng mga nauna sa kanya, dalawang imperyalista ang pinagsisilbihan niya, ngunit tulad ng mga nauna, patuloy niyang sinisindak at dinarahas ang taumbayan upang buksan ang yaman ng bayan sa kung sinumang imperyalista ang pinagsisilbihan niya.
Ngayong nakita na natin ang lumulubhang tunggalian sa global na kaayusan ng imperyalismo, hindi nakapagtataka na sumisidhi rin ang pakikibaka ng malaking seksyon ng sangkatauhan laban dito. Araw-araw nating napapatunayan ang historikal na leksyon hinggil sa tunggalian ng uri: na hindi basta-basta isusuko ng mga naghahari ang kanilang politikal na kapangyarihan, upang panatiliin ang kanilang pang-ekonomiyang interes. Kung kaya hindi nakapagtataka na uusbong ang iba’t ibang anyo ng kontra-mamamayan at kontra-rebolusyonaryong pwersa. Pasismo ang isang development ng mga kontra-rebolusyonaryong hakbangin ng naghaharing-uri na nagsimula sa unang bahagi ng ika-20 siglo. Sa takbo ng kasaysayan, maraming anyo ng pasismo ang sumibol sa iba’t ibang dako ng mundo. Isa na rito ang pamamahalang katulad ni Duterte — rehimeng terorista.
Sa pamamahala ni Duterte, itinatwa na niya ang tabing ng mga politikal na proyektong naglalayong bumuo ng bagong tao, katulad nina Hitler at Marcos. Sa halip, diskurso ng mga baril at militarisasyon ang kanyang ipinantatapat sa hinaing ng mamamayan. Hindi tulad nina Marcos na may pagkukunwari pang humanitarian ang kanyang martial law, direktang takot at dahas ang paraan ni Duterte para subukang panatiliin ang kasalukuyang kaayusan nang mayroon pa rin siyang napapakinabangan. Inilantad ng pandemya ang tunay na oryentasyon ng rehimen. Habang nakakahanap na ng lunas ang mga ibang bansa upang maagapan ang COVID-19 nang walang bakuna, patuloy pa rin ang retorika ng estado na maghintay lamang tayo sa bakunang uutangin sa ibang bansa. Sa katunayan, kita naman sa ganitong kapabayaan sa kabila ng napakaraming pondong hinihigop ng presidente, naging malaking lunsaran ang pandemya para sa kurapsyon, nepotismo, at iba pang uri ng katiwalian. At habang lalong nagnanakaw ang rehimen ito sa mamamayan, nagtatabi ito ng parte ng pondo upang palakasin ang kanyang makinaryang maghahasik ng dahas laban sa mga nakikibakang bayan sa hitsura ng militarisasyon. At hindi kakaiba sa Duterte sa ganitong usapin, kung ikukumpara sa mga pasistang lider na nanggaling sa kasaysayan ng Global South.
Pinatunayan ng kasaysayan na walang pasistang kaayusan ang nagtatagal. Hindi naiiba ang rehimeng terorista ni Duterte rito. Ang tanging patutunguhan ng mga pasistang rehimen ay ang tiyak na pagbagsak nito dahil sa malakas na puwersa ng organisadong masang tinanggalan niya ng kabuhayan at karapatan. Kung titignan ang daloy ng rehimeng Duterte, ang pangkalahatang pananamantala nito sa ekonomiya at karapatang pantao gamit ang kapulisan at militar ay senyales ng kaniyang bulok na pilosopiya sa pamamahala. Ang pangingialam ng Estado sa kada kilos o kaisipan ng bawat Pilipino ay nangangahulugan din na may namumuong takot ang administrasyong Duterte laban sa mamamayan.
Kahit na nakasunggab ang kapangyarihan ni Duterte sa bawat sektor, ang propagandang pinalalaganap nito ay siya ring magpapabuwag sa lupaypay na estratehiya ng kaniyang armadong puwersa. Dahil ito sa mga lapastangang pagbuo ng mga panlipunang polisiya na sa tingin niya ay makapagpapatibay o susuhay sa kaniyang pagkakaupo bilang pangulo. Bukod pa rito, maraming tunggalian — maaaring moral, personal, at iba pa — ang mahihinuha sa mga hindi organikong pakikitungo ni Duterte sa mga naghaharing-uri at burgesya na pupuwedeng biguin ang administrasyon at ang Estado. Kaya may mga matitinding panawagan ang masa ukol sa pagpuksa ng pasistang rehimeng ito, dahil sa kanilang sumusulong na kamalayan laban sa lumalalang krisis pang-ekonomiya, kawalang-katarungan sa mga pamamaslang, at militarismong tugon sa kasalukuyang krisis pangkalusugan. Sa katunayan, ang tiyak na huling hantungan ng rehimeng Duterte at ng iba pang pasistang rehimen ay pagbuo ng mga organisadong sektor ng lipunan. Ang mga ito ang direktang kikitil sa huwad at marahas na realidad ng pasismo.
Isulong ang pagkakaisa ng mamamayan, biguin ang pasismo!
Ang pagkamit ng mithiin sa ganap na katarungan at tunay na kapayapaan ay nakasandig sa tagumpay ng kilusang masa. Ang pagtahak patungo sa tagumpay ay nakasandig sa batayang mga sektor panlipunan na ang layunin ay iangat ang bawat isa. Bawat kampanya ng mga sektor ay tumutugon sa ugat na isyu kinagisnan mula sa pagtutuligsa ng naghaharing-uri at ng pasistang rehimen. Kasaysayan ang may saksi na ang tagumpay ay nakamit lamang ng isang pwersang organisado at may pagkiling sa interes ng mga batayang sektor ng lipunan. Ang kilusang pangkasarinlan noong 1896 ay binuo ng mga pwersa ng mga pesante, manggagawa sa lungsod, mga katutubo at mga inapi ng dayuhang mananakop. Ang kilusan ay siyang organisadong pwersa na bumitbit sa mithiin ng mga magsasaka para sa lupa, mga mangagagawa para sa makataong sahod, at mga katutubo para sa kanilang kalayaan at kasarinlan laban sa pang-aapi ng dayuhang pyudal at kolonyal. Itong mga bitbit na kampanya ay sangkap sa pagbuo ng karapatan at kagalingang panlipunan na siyang patuloy na binibitbit sa ating kasalukuyang paglaban.
Ano-ano ang mga estratehiyang puwede nating gawin upang gapiin ang pasismo’t pang-aatake ng rehimeng terorista?
Sa gitna ng mga atake ng rehimeng mapaniil at pasista, marapat bigyang pansin at diin ang kapangyarihan ng pag-oorganisa sa antas ng komunidad. Tulad ng mga kilusang progresibo, nagtatayo rin ang mga pasista ng mga grupo ng kanilang mga tagasunod sa bawat probinsya, bawat lungsod, at bawat pamayanan, kaya naman kailangan silang kontrahin sa pamamagitan ng agresibong pagbuo ng mga koneksyon at pagpapalawak ng baseng masa, at aktibong pagkitil sa pasismo kahit sa mga unang yugto ng buhay nito.
Kadalasang nagsisilbi ang mga pasistang rehimen ng kasalukuyan sa kanilang mga among neoliberal at sinisindak ang kanilang mga mamamayan sa ngalan ng mga imperyalista at kaayusang neoliberal. Kinakailangan ang pagkontra sa panghihimasok sa buhay-komunidad ng mga polisiyang neoliberal. Marahil ang pinaka-malinaw at kongkretong manipestasyon ng panghihimasok ng mga sa biglaang pagsulpot ng mga bagong sentrong at distrito sa mga lugar na dating tinitirhan ng mga maralitang binabansagan ng gobyerno ng mga katagang “informal settlers” o “squatters,” na siyang ginagawang lehitimo ang pandadahas ng estado laban sa mga komunidad na ito. Ang mga pagpagpapalayas sa mga maralita ng Kamaynilaan ay isang manipestasyon ng pagsasawalang-bahala ng estado sa mga taong ito na nakatira at namumuhay sa kalungsuran at sa ganang ito nag-aambag sa ekonomiya, kapalit ng ilang magagara at matataas na mga gusali kung saan iilan lamang ang makikinabang.
Bilang isa sa pinakamalaking komunidad ng maralita sa Kamaynilaan, isang magandang halimbawa ang pakikibaka ng mga mamamayan ng sitio San Roque, isang komunidad ng mga maralita sa Lungsod Quezon, ng uri ng pag-oorganisang pangkomunidad na dapat maabot upang tungaliin ang pasismo. Lumalaban ang mga residente ng San Roque sa tuluyang demolisyon ng kanilang mga tahanan at ang pagkawala ng kanilang komunidad sa ilalim ng isang proyekto ng Ayala Land, Inc.
Maliban sa kanilang tapang na lumaban sa demolisyon ng kanilang komunidad, kapansin-pansin ang pakikipagtulungan ng komunidad sa ibang sektor at progresibong grupo upang lumikha ng kanilang sariling konsepto ng kaunlarang inklusibo at para sa lahat, at ipakita hindi lamang sa pamahalaan ng Lungsod Quezon kundi maging sa mga iba pang komunidad sa Maynila. Sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY), nakabuo ang mga residente ng San Roque ng isang alternatibong Community Development Plan (CDP) at mga plano para sa abot-kayang pabahay, pangkalusugan, at edukasyon at iba pang batayang serbisyo.
Nakipagtulungan rin sila sa ilang eksperto mula sa Departamento ng Geografia ng Unibersidad ng Pilipinas upang magsagawa ng countermapping activities, na tumutulong na muling alalahanin at bigyang pag-alaala ang mga espasyong mahalaga o naging mahalaga sa komunidad. Nabigyang-kapangyarihan din ang mga komunidad na bumuo ng mga base sa kanilang karanasan sa espasyo, habang tinutulungan rin silang bumuo ng mga plano para sa tirahang nakabase sa kanilang pangangailangan. Sa ganitong mga pamamaraan, nakakapag-kamit at sulong ng mga tagumpay para sa mga mamamayan habang aktibong binibigo at sinasabutahe ang mg pang-ekonomikong interes ng naghaharing-uri na isusulong niya sa pamamagitan ng karahasan at mga pasistang pakana.
Hindi rin magbubunga ng pangmatagalan at ganap na pagbabago ang mga ganitong taktika, kung hindi ito nakakaambag sa sentral na layuning gapiin ang ugat ng dahas at kahirapan. Kung mananatili ito sa pang-komunidad na aspeto, mauuwi tayo sa gawain ng mga NGO at hindi ng pambansang kilusan ng pagpapalaya. Kung kaya, kailangang pagdugtungin ang maraming mga pang-komunidad na pag-oorganisa tungo sa pambansang mga laban; at ang labang ito’y nagkakahugis sa pagpapabagsak sa rehimen ni Duterteng pinatatakbo ng mga imperyalista, mga kaalyado nila ritong mga panginoong may lupa, at mga alipores nilang mga heneral sa militar.
Ano ang alternatibong kaayusan na ipapalit natin sa pasismo?
Sawang-sawa na ang taumbayan sa matagal na panahong pang-aalipusta ng sistemang pabaya, pahirap at walang pakialam sa masang naghihikahos, at ng oportunistang gobyernong wala nang ginawa kundi panatilihin ang interes ng mga nasa taas at patuloy na makinabang sa ating sistemang sira, lalo na sa panahon ng krisis at pandemya. Ngayong panahong desperado na ang pamahalaan sa pagkitil ng kalayaan nating mga Pilipino, nararapat na tayo ay magkaisa laban sa pamamasista ng Estado sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Patuloy nating labanan ang ugat ng paurong na paglago ng lipunan; ipaglaban ang alternatibong sistemang magtataguyod sa demokratikong interes ng mamamayan sa kabuhayan, karapatan, libre at dekalidad na serbisyo. Isulong natin ang daan tungo sa tunay na reporma sa lupa, at pambansang industriyalisasyon tungo sa nagsasariling ekonomiyang kayang tumindig sa gitna ng krisis dulot ng imperyalistang kaayusan. Ito ang saligang nilalaman ng pambansang demokratikong alternatibo.
Sa alternatibong sistema, bubuwagin ang mga neoliberal na polisiyang pang-ekonomiya na nagbigay-daan sa pagsasagawang-pribado ng mga serbisyong pampubliko, ang denasyunalisasyon ng produksyon, at ang regresibong sistema ng buwis kung saan sa naghihirap na taumbayan ang singil. Pagtuunan ang pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda at tatapusin ang kakulangan sa suplay ng bansa sa pagkain. Susuportahan sila sa pamamagitan ng ayuda sa pananim, kagamitan, at sa aspetong pinansyal. Patuloy na ipaglalaban ang nasyunalisasyon ng mga lupang sakahan.
Gagawing siyentipiko ang pagtugon sa pandemya. Titiyakin ang libre at dekalidad na serbisyong medikal; sisiguruhing ligtas ang kalusugan ng mga health worker at iaangat ang kanilang sahod at benepisyo. Isasama sa programang medikal ang mga nasa kanayunan. Susuportahan ang lokal na produksyon ng mga personal protective equipment at iba pang mga kagamitang medikal gaya ng COVID-19 testing kits.
Tutugunan ang kaayusan sa sistemang pang-edukasyon. Bibigyang-pansin ang mga pagbabago sa pamamaraan ng pagtuturo dulot ng pandemya upang payabungin pa ito. Pag-aaralan kung paano maipapatupad ang ligtas na balik-eskwela. Patuloy na itataguyod ang libre, makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon na magmumulat sa kabataan sa tunay na sitwasyong kinakaharap ng mga Pilipino.
Ititigil ang militarisasyon sa kabayanan at kanayunan, lalo na sa lupain ng mga Lumad. Kikilalanin ang soberanya at mga karapatang pampulitikal, pang-edukasyon, pangkabuhayan, pangkalusugan at karapatan sa lupang sinilangan ng mga katutubo.
Sa panahon ng pandemya at masahol na panggigipit sa kalagitnaan ng krisis, at sa pagtigil ng talakayan para sa sosyo-ekonomikong reporma, oras na para taumbayan na mismo ang manguna laban para sa ganap na soberanya ng Pilipinas at sa demokratikong kalayaan ng masang Pilipino.
¹ https://www.pna.gov.ph/articles/1103856
² https://mb.com.ph/2020/07/16/closure-of-26-of-ph-businesses-alarms-dti/
³ https://business.inquirer.net/299660/dole-69k-jobless-after-virus-shut-down-2068-companies
⁵ https://newsinfo.inquirer.net/1314173/closed-issue-pnp-chief-says-of-sinas-mananita
⁶ https://theaseanpost.com/article/corruption-amid-pandemic
⁷ https://www.ibon.org/duterte-administrations-recovery-plans-help-the-rich-more-than-the-poor/
⁸ https://www.cnnphilippines.com/news/2020/4/8/COVID-19-response-money-trail.html
¹¹ https://www.ibon.org/govt-jeepney-ban-has-already-cost-drivers-php78000/
¹² https://rappler.com/newsbreak/in-depth/coronavirus-lockdown-farmers-fisherfolk-poverty
¹³ https://www.nbcnews.com/news/us-news/retired-u-s-general-says-war-china-likely-15-years-n924031