May tama bang panahon para ibalik ang ROTC?
Mula sa panulat ng mga lumahok sa INS 2022 Writing Workshop Series
Susuportahan ni Davao City Mayor Sara Duterte ang pagbabalik ng sapilitang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) para sa mga kabataang edad labingwalo pataas kung sakaling manalo siya bilang bise presidente sa Halalan 2022. Ayon kay Duterte, kakausapin niya ang Kongreso upang maisabatas muli ang sapilitang pagsali ng mga kabataang edad 18, babae at lalaki, sa ROTC. Dagdag pa niya, magiging susi ang ROTC upang maturuan ang mga kabataang Pilipino sa halaga ng kahandaan sa panahon ng sakuna. Ibinahagi rin ni Duterte ang karanasan ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Davao kung saan kinausap niya ang mga SK members ng kanyang lungsod na itigil na ang paglulunsad ng liga ng basketball, beauty pageants, at mga sayaw kapag may fiesta. Sa halip ay magpokus sa disaster preparedness.
Pamilyar ang henerasyon ng kabataan ngayon sa ROTC o mandatory military service dahil na rin sa impluwensya ng Korean wave sa pamamagitan ng k-pop at k-drama. Marami sa mga k-pop idols at Korean superstars na lalake ang nawawala panandalian sa limelight dahil sa dalawang taong military service. Sa kaso ng South Korea, literal na nasa state of war pa rin ang bansa laban sa North Korea dahil wala pa ring peace treaty sa pagitan ng dalawang bansang ito.
Isa pa sa mga bansang may sapilitang military service ay ang Israel. Dahil sinakop ng Israel ang Palestinya at inaalipin ang mga Palestino, nakahanda ang Israel na depensahan ang sarili nito mula sa mga Muslim na bansang nakapaligid dito. Parehong may banta ng digmaan sa South Korea at Israel, ganito rin ba kapanganib ang sitwasyon sa Pilipinas?
Ayon sa Department of Military Science and Tactics ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, may limang layunin ang Reserve Officers’ Training Corps: LEAD, SHOOT, MOVE, NAVIGATE, at COMMUNICATE. Ituturo sa mga kadete ang mga konsepto na gaya ng military organization, military discipline, military customs and traditions, pagbasa ng mapa, basic M16 rifle training, signal communication, pagsasanay sa pamamagitan ng mga drill, at iba-iba pang aktibidad. Marami pang ibang aralin ang ituturo sa mga kadate gaya ng disaster risk reduction and management, basic life saving, earthquake and fire rescue, at iba pa.
Ang konsepto ng ROTC ay orihinal na nagmula sa bansang Estados Unidos. Sa pangunguna ni Captain Alden Partrige, naisabatas ang “Morrill Act of 1862” na may layuning magbigay ng militanteng pagsasanay sa mga Amerikanong mag-aaral ng paaralan. Uumpisahang sanayin ang mga estudyante upang makahulma ng mga dekalidad na sundalo na may sapat na kaalaman sa iba’t ibang larangan.
Noong 1912, nag-organisa ang Philippine National Guard ng military training sa Unibersidad ng Pilipinas. Makalipas ang dalawampu’t tatlong taon, nilagdaan ni dating pangulo Manuel Quezon ang Commonwealth Act 1 o ang National Defense Act noong 1935 upang maging sapilitan ang ROTC sa lahat ng mga paaralan at maitatag ang Philippine Military Academy (PMA). Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, minobilisa ang mga kadete ng ROTC upang labanan ang mga mananakop na Hapon. Matapos ang digmaan, itinigil ang sapilitang ROTC dahil sa kakulangan sa pondo.
Ibinalik naman ni dating pangulo at diktador Ferdinand Marcos ang ROTC dahil naranasan niya mismo ang ROTC program noong kabataan niya. Nilagdaan ni Marcos ang Executive Order 59 noong 1967 na ginawang sapilitan muli ang ROTC sa mga kolehiyong hindi bababa sa 250 lalaking estudyante ang populasyon. Nilagdaan din ang Presidential Decree №1706 o National Service Law na nagmandatong dumaan ang lahat ng Pilipino sa national service sa kahit alin sa tatlong kategorya: civic welfare service, law enforcement service, at military service.
Naging sapilitan ang ROTC hanggang 2001 nang mapalitan ito ng National Service Training Program Law. Ang naging mitsa ng malawakang reporma na ito ay dahil sa kontrobersyal na pagkamatay ng isang kadete na si Mark Welson Chua. Si Chua ay estudyante ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST). Dahil sa kanyang naging karanasan sa ilalim ng sapilitang ROTC, isiniwalat niya ang bulok na sistema sa programang ito sa opisyal na pahayagan ng UST na The Varsitarian. Ayon kay Chua, talamak ang karahasan at panunuhol sa mga opisyal ng ROTC program mula sa mga estudyanteng gustong iwasan ang pagsasanay sa ilalim nito. Dahil dito, biglang nawala si Mark Welson Chua at natagpuan na lamang ang kanyang bangkay na palutang-lutang sa Ilog Pasig na balot ng masking tape ang mukha, nakagapos ang mga kamay, at nakasilid sa carpet ang kanyang katawan.
Ang pagkamatay ni Chua ay nagresulta sa isang malaking kampanya na pinamunuan ng hanay ng mga estudyante. Masigasig at matapang na nagprotesta sa lansangan ang kabataan at naglunsad ng signature campaign upang buwagin ang sapilitang ROTC. Nagtagumpay ang kampanyang ito at noong 2001, nirebisa ang ROTC at ginawa na lamang itong boluntaryo nang lagdaan ang NSTP Law. Sa halip na sapilitang ROTC para sa lahat ng nasa kolehiyo, maaari nang mamili ang mga estudyante kung anong programa ang nais nila lahukan gaya ng Civic Welfare Training Service, Literacy Training Service, at Reserve Officers’ Training Corps.
ROTC PARA KANINO?
Aminado si Defense Secretary Delfin Lorenzana na isa sa magiging malaking balakid sa pagpapanumbalik ng sapilitang ROTC ay ang kawalan ng budget para rito. Malaki-laki rin ang magiging gastos para sa programang ito dahil pamahalaan ang sasagot sa pagpapasahod sa mga commander, pagbili ng kagamitan at iba pang pangangailangan para sa pagsasanay, at pagkain ng mga kadete.
Sa gitna ng pandemya at matinding pangangailangan para sa online classes, mas mainam kung ilaan na lamang ang pondo para sa sapilitang ROTC sa sektor ng edukasyon upang matulungan ang milyong mga estudyante na napag-iwanan sa distance learning.
Pareho ang dahilan kung bakit binuwag dati ang ROTC at kung bakit hindi ito dapat ibalik. Malakas ang panawagan ng kabataan na tutulan ang pagbabalik ng sapilitang ROTC dahil sa pagnonormalisa nito ng karahasan at militarisasyon ng kabataan. Mula sa mga kahindik-hindik na mga salita mula sa isang Italyanong Pasista na si Achille Starace, “Ang pasistang edukasyon ay dapat maging edukasyon para sa digmaan.”
Marami namang alternatibong gawain at aktibidad na magtuturo ng disiplina sa kabataan na hindi kinakailangan sumailalim sa military training. Ayon sa manunulat at Twitter user na si Lakan Umali, ang pagbabasa, pag-eehersisyo, pag-aaral tumugtog ng isang instrumento, camping, paglikha ng sining at handicrafts, o pagsulat ng pananaliksik ay ilan lamang sa mga gawain na makakapagturo pa rin ng disiplina sa mga kabataan. Maraming mas mapayapang paraan.
Itinatatwa ng ating saligang batas ang pagdedeklara ng digmaan. Nakasaad sa Section II Article II ng ating konstitusyon na hindi mainam na polisiya ang pagsabak sa mga giyera at bagkus ay dapat manaig ang kapayapaan sa bansa at mundo. Si Secretary Lorenzana na rin mismo ang nagsabi na hindi kinakailangan ng mobilisasyon ngayon dahil hindi naman kalahok ang bansa sa mga digmaan.
Mainam din balikan ang dahilan kung bakit nabuwag ang sapilitang ROTC noon. Lumaganap ang korapsyon sa mga paaralan dahil sa pagtanggap ng suhol ng mga ROTC commanders. Lumaganap ang kultura ng karasahan at impunidad kung saan hindi napaparusahan ang mga umaabuso. Gusto ba nating umabot sa puntong may mamatay ulit na estudyante dahil sa pagmamalabis ng mga namumuno rito?
Mula sa mga nailatag na datos, ipinapakita na ang panunumbalik ng sapilitang ROTC ay hindi makatutulong sa mga mamamayan at estudyante, sapagkat itinuturo sa ROTC ang disiplina at nasyonalismo sa maling paraan. Itinituro ng military training sa mga kabataan na magpalawig ng blind obedience kung saan walang pag-aalinlangang susundin ng mga kadete ang kanilang mga commander. Magagamit din ang ROTC upang supilin ang mga progresibong kabataan sa loob ng paaralan — isang malayang lugar na para dapat sa pagpapalawig ng kaalaman.
Marami namang alternatibong gawain at aktibidad na magtuturo ng disiplina sa kabataan na hindi kinakailangan sumailalim sa military training. Ayon sa manunulat at Twitter user na si Lakan Umali, ang pagbabasa, pag-eehersisyo, pag-aaral tumugtog ng isang instrumento, camping, paglikha ng sining at handicrafts, o pagsulat ng pananaliksik ay ilan lamang sa mga gawain na makakapagturo pa rin ng disiplina sa mga kabataan. Maraming mas mapayapang paraan.
Nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte, kanyang ipinangako na ibabalik niya ang sapilitang ROTC. Nabigo si Pang. Duterte ngunit mukhang nais pa rin ito ituloy ng kanyang anak na si Sara. Kapag napag-uusapan ang mga kabataan, palaging sinasabi ng mga pulitikong hindi lubog sa karanasan at suliranin ng mga kabataan ngayon na kulang sa disiplina ang kasalukuyang henerasyon. Panahon na upang tumindig ang kabataan at ipaglaban ang kanilang mga karapatan para sa isang makatao, makamasa, pambansa, at siyentipikong edukasyon!