Patunay ng Imperyalismo sa Pilipinas
May Newsletter
Nailabas na sa publiko ang patong-patong na datos ukol sa pagkontrol ng mga imperyalistang bansa sa mga likas na yaman ng Pilipinas. Nagsisulputan din ang mga base militar sa mga artipisyal na isla sa West Philippine Sea.
Sa pag-igting ng rehimeng US-Duterte, ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law ay instrumento laban sa mga naglalayong usisain ang makinarya ng estado. Kamakailan lamang ay inakusahang “terorista” ang lider pesante na si Joseph Canlas dahil sa kanyang tahasang pagkundena sa pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka sa gitnang Luzon.
Kalagitnaan ng pamdemya ay nilulubos ng kapulisan ang pagbibigay ng imbentong kaso at pagtatanim ng mga ebidensya laban sa mga progresibong indibidwal, mga organisasyon ng pambansang minorya, at iba pa na ipinaglalaban ang interes ng masa.
Habang si Duterte ay naghahamon ng debate sa iilang indibidwal sa kung paano dapat harapin ang mga naglinyahang barko sa Julian Felipe Reef, hindi mapagkakaila ang imperyalistang dominasyon sa soberanya ng Pilipinas at karapatan ng bawat Pilipino.
Kapalit ng mga kontrata sa bakuna, urong-sulong si Duterte sa mga dapat igiit na karapatan sa West Philippine Sea dahil hindi lang daw karahasan o giyera ang natatanging paraan upang masolusyunan ito.
Nararapat alamin at talakayin ang kalagayan ng mga mangingisda sa mga umiigting na usapin ukol sa kinasasakupang katubigan ng bansa.
Dapat palakasin at magkaisa ang pwersa ng sambayanang Pilipino na ilantad ang detalyadong datos ng anumang panghihimasok ng mga dayuhan sa bansa. Maiging magsaliksik at lumubog sa masa upang alamin ang mga panawagang magpupunyagi laban sa nananaig na imperyalistang pamumuno sa Pilipinas.