Usapang Ostia: Hinggil sa Pangungutya sa Eukaristiya at sa Relihiyon

Institute for Nationalist Studies
8 min readJul 10, 2023
Guhit ni Matty Miguel

Isinulat ng Student Christian Movement of the Philippines, Marso 26, 2023.

Kamakailan, may kumalat sa twitter na ‘food review’ ng ostia, o tinapay na walang lebadura (yeast) na sentral sa mga Katoliko. Mula ito sa isang estudyanteng Senior High mula Ateneo de Manila. Ang sakramento ng Eukaristiya ay ang nag-uugnay at pinatutunguhan ng iba pang sakramento. Ang bigat ng kabanalan nito ay nagmumula sa paniniwalang ang tinapay ay nagiging mismong katawan [at dugo sa pamamagitan ng bino] ni Kristo (transubstansiyasyon). Sa mga Katoliko, ang pinagmumulan nitong paniniwala ay ang mismong mga pahayag ni Kristo na nagbabanggit na ito mismo ang katawan [at dugo] Niya (Mt. 26:26–28; Mc. 14:22–24; Lc. 22:19–20; 1 Cor. 11:23–25).

Larawan mula sa One PH

Ang bigat ng ganitong paniniwala ay nagpapahintulot ng ganoon ding kabigat na parusa sa mga nagkasala hinggil dito. Partikular sa Batas Kanoniko ng Simbahang Katoliko, nangangahulugan itong awtomatikong ekskomunyon (excommunication) (Can. 1367), bagay na ipinanawagan ng ilang nagkokomento sa social media sa nagsagawa ng ‘ostia review’. Bilang tugon, may ilang sumasalungat, nagsasabing nararapat lamang na kutyain ang mga Katoliko, ang Katolisismo, o/at ang relihiyon sa pangkabuuan dahil sa mga kasalanan nito sa loob ng lipunan at kasaysayang Pilipino.

Habag

Bilang isang ekumenikong organisasyon, ang Student Christian Movement of the Philippines, kapuwa binubuo ng mga Katoliko at Protestante, ay lubos ding nalulungkot dahil sa pangungutya sa Eukaristiya at pati na rin sa sambit ng iba na dapat isawalang-bahalang kutyain ang mga paniniwala.

Larawan mula sa Matanglawin Ateneo

Sa kabila ng naging kasalanan, higit naming nais manalig at humingi ng habag, lalo na sa mga Katoliko, hinggil sa nangyaring pagkakasala, na huwag sanang umabot sa ekskomunyon at iba pang mabigat na parusa laban sa nasabing estudyante partikular mula sa mga awtoridad mula sa Pamantasang Ateneo de Manila, mga Heswita, at Diyosesis ng Cubao. Mangaral kung mangaral, ngunit pairalin din ang habag. Hindi ba si Hesus mismo ay nagpatawad ng mga may mabibigat na kasalanan (Jn 8:1–11)? Hindi ba si Hesus mismo ay pinairal ang habag, nanggamot, kahit kinutya siya ng mga fariseo dahil sa hindi pagsunod sa batas ng Sabbath (Jn 5:1–18)? Dito dapat din tayo mapatanong — “Ano kaya ang gagawin ni Hesus?” — hindi gaya ng mga fariseo na nag-aabang ng kamalian ng iba at gusto pang magkait ng habag sa mga aba. Habag ang dapat manaig dahil ito ang hinihiling ng ginintuang panuntunan–gawin ninyo sa inyong kapuwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo–bagay na hindi lamang binanggit ni Kristo sa Lc. 6:31, ngunit nakikita sa samu’t saring relihiyon din. Habag ang dapat manaig dahil ito ang katuwang ng pag-ibig, siyang pinakadakila kung ihahambing kaysa parehong pananampalataya at pag-asa (1 Cor. 13:13). Dagdag din, ang nasabing estudyante ay una, menor de edad, at pangalawa, humihingi na ng kapatawaran.

Ang nais nating iwasan ay ang ‘di-kinakailangang antagonismo ng kabataan at ng malalapit sa kaniya. Hindi ito ang kinakailangan natin ngayon. Ayaw na nating dumagdag pa ang listahan ng napakarami nang sumailalim sa trauma, lalo na at isang kabataan, buhat ng iba’t ibang isyung kinakaharap sa loob ng simbahan. Idinidiin ni Hesus na basahin ang mga signos ng panahon (Mt. 16:1–4) at kumilos batay rito: na kumakaharap ang mga Pilipino sa matinding krisis ekonomiko at politiko. Lumalala ang kahirapan at kagutuman, tumataas ang presyo ng mga bilihin, at hindi nagiging mabisa ang mga awtoridad na may pera at kapangyarihang lutasin ang mga suliranin ng mga mga pinakakaunti (Lk. 9:48), nawawala (Lk: 15:32), at nahuhuli (Mt. 19:30). Sa bigat ng mga bagay, kinakailangang tugunan ang dasal ng mga mamamayang Pilipino, tutal, gaya ng sabi sa Gaudium et Spes, kailangan nating isapuso na ang mga “ligaya at pangarap, takot at pag-aalinlangan” ng mga pinakaaba ang siya ring dapat mga “ligaya at pangarap, takot at pag-aalinlangan” kapuwa ng mga tagasunod ni Kristo. Sa hanay natin sa loob ng mga relihiyosong institusyon, kailangan nating maging lalong bukambibig at kumikilos hinggil sa mga usapin ng mga kawal. Kailangan din nating aminin na hindi ligtas ang mga institusyong pansimbahan sa mga usapin gaya ng mababa at marahas na tingin laban sa kababaihan at LGBTQ+, kulang na pagtrato sa mga manggagawa sa loob ng mga relihiyosong institusyon, paggigipit ng malayang pag-iisip at pag-oorganisa sa loob ng mga akademikong institusyon, marahas na kolonyal na legasiya ng Kristiyanismo, ang samu’t saring abuso sa loob ng simbahan, at marami pa.

Sa ganitong paraan nais naming hamunin ang mga kapuwa relihiyoso: ano nga ba ang tunay at lubos na nakakasakit at nakakapangutya sa Diyos? Totoo, nakangungutya naman talaga ang ginawa sa ostia. Hindi ba para sa Panginoong Hesus na isinantabi ang lumang batas sa reliyon at naitulak ng habag para gamutin ang mga may-kapansanan at pakainin ang libo-libo (Mt. 14:13–21), ang mas nakababastos ay ang makasalanang kalagayan ng lipunang Pilipino na puno ng kahirapan at pang-alipusta at ang tugon ng iba na pagtuunan ng higit na pansin ang batas kaysa awa at habag? Kung tutuusin, nasa loob ng dakilang kontradiksiyon ang pananampalataya natin sa kung paano ito naisasalin sa kalagayan ng Pilipinas. Tayo ang sinasabing pinaka-Katolikong bansa sa buong Asya, ngunit marami rin sa atin ang walang-kibo sa danas ng mga pinayuyuko ng mga makapangyarihan.

Progresibong pakikitungo sa relihiyon at mga relihiyoso

Sa kabilang banda, hinihimok din namin ang ilang mga progresibong indibidwal na may awtomatikong antagonismo sa relihiyon at sa mga relihiyoso na makita ang relihiyon bilang kapuwa biktima at kasabwat, ngunit hindi ugat, ng lipunang mapang-api. Tandaan natin mula sa aral ng kasaysayan na may potensiyal itong bumalikwas buhat ng kontradiksiyon nito sa lipunang kumukutya sa buhay at dignidad ng mga Pilipino.

Napakahirap lunukin nito, lalo na sa mga nakaranas ng trauma mula sa mga taong-simbahan at institusyong panrelihiyon. Naniniwala kami na sila rin ay may mga balidong rason at pinaghuhugutan, at kinakailangang imaksimisa ang mga batas at paninindigan sa loob at labas ng institusyon upang kamtin ang katarungan.

Gamitin natin ang halimbawa ng mismong ostia. Hindi lamang ito inisyal na sasabihing “katawan ni Kristo”; may dagdag itong kahulugan sa mga pinagsasamantalahan. Tila wala nang ibang makapagbibigay-kahulugan dito kundi ang mga liriko ng kantang “Tinapay ng Buhay”:

Ikaw, Hesus, ang tinapay ng buhay

Binasbasan, hinati’t inialay

Buhay na ganap ang sa ami’y kaloob

At pagsasalong walang-hanggan

Basbasan ang buhay naming handog

Nawa’y matulad sa pag-aalay Mo

Buhay na laan nang lubos

Sa mundong sa pag-ibig ay kapos

Marapatin sa kapuwa maging tinapay

Kagalakan sa nalulumbay

Katarungan sa naaapi

At kanlungan ng bayan Mong sawi

At pagsasalong walang-hanggan

Ang kahulugan ng Eukaristiya sa mahihirap ay nagiging malinaw: ang tinapay ay si Hesus at ang hangad ng mahihirap ay ang “pagsasalong walang-hanggan”, ang “kagalakan sa nalulumbay”, ang “katarungan sa inaapi”, ang “buhay na ganap” (Jn 10:10). Batid ng mahihirap na upang makamit ito ay dapat maging kawangis ni Kristo: ialay ang buhay nang lubos at gaya ng tinapay, hatiin, at ipakalat ang turo ni Kristo sa lahat. At saan ikinakalat ang tinapay na si Hesus? Sa mundong “pag-ibig ay kapos”, sa bayan Niyang “sawi”. Humahantong ito sa pananampalatayang pambansa, kumikilala sa mga demokratikong kahilingan ng mga Pilipino–mula Luzon hanggang Mindanao, mula kalunsuran hanggang kanayunan. Itong pagpapakahulugan ng mahihirap ay nais din sana ang nais nating ipaunawa sa lahat ng nagmamaliit sa insidente.

Kaya nais naming maghapag ng punto ng pagkakaisa–asamin natin ang lipunang hindi nagkokondisyon sa mga relihiyoso na magkasala, asamin natin ang lipunang nagtutulak sa mga relihiyoso na maging katuwang sa paglilingkod sa sambayanan at sanlikha. Dahil sa totoo lamang, ang paniniwala ay hindi likas na masama. Ang relihiyon ay produkto rin ng lipunang nagpapanatili nito, ang mga abusong mula sa loob ay mula sa mga kondisyon ng lipunang nagpapahintulot ng ganoong klaseng abuso. Upang palayain ang relihiyon, upang palayain ang mga dasal, kinakailangang palayain ang lipunan, kinakailangang asintahin ang ugat ng opresyon, kahirapan, at bulok na kultura. Sa ganitong paniniwala, lumalabas ang ating tungkuling kaisahin ang pinakamaraming mananampalataya, partikular sa mga Kristiyanong Pilipino, ipaunawa sa kanila ang ehemplo ni Hesus na magpairal ng habag at pairalin ang pakikipagkapuwa, lutasin ang mga salot ng lipunan, at ihangad ang buhay na ganap at kasiya-siya (Jn 10:10). Kung iuugnay sa milagro ni Hesus ngayong Linggo sa Ebanghelyo (Jn. 11:1–45) at lalo na sa Pasko ng muling pagkabuhay, misyon ang magtagumpay laban sa kamatayan. At ano ang kamatayan sa kasalukuyan? Ang kagutuman, kahirapan, pang-aalipusta, at pagyuyurak ng karapatan sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte.

Sadyain bang dapat punahin ang relihiyon? Dapat–ngunit dapat sa balangkas ng paggabay nito na ipagsilbi sa mga api, ang tunay nitong dapat na tunguhin. May pagkiling sa mahihirap si Kristo. Anupaman at ang Diyos ay piniling maging mahirap, nag-organisa bilang uring manggagawa, at pinarusahan ng estadong tuta ng Imperyo. Kinakailangang gabayan at himukin ang mga relihiyoso na iwaksi ang mga atrasado at mapaniil nitong mga katangian, mga piyudal at kleriko-pasistang gawi na minana mula sa mga mananakop. Kinakailangang patampukin ang rebolusyonaryong potensiyal sa hanay ng mga taong-simbahan na nagnanais na gapiin ang tanikala ng estruktural na kasalanan na nagpapahirap sa mga api. Ito ay isang potensiyal na makokondisyon lamang sa pag-aalsa ng masa. Alalahanin nating relihiyosong inspirasyon din ang nagluwal kay Arsobispo Óscar Romero, isang kontemporaneong santo na ang pista ay nakaraang Marso 24, na tinunggali ang papel ng imperyalismong Estados Unidos sa diktadura sa El Salvador at namartir dahil pinatay siya ng mga makakanang sundalong ginabayan ng nasabing imperyalistang gahum. Alalahanin nating relihiyosong inspirasyon din ang nagluwal kanila Fr. Rudy Romano, Carlos Tayag, Jessica Sales, Jaime Cardinal Sin, Filomena Asuncion, Bp. La Verne Mercado, Fr. Tullio Favali, Reb. Magnifico Osorio, Jeremias Ancheta Aquino, Purificacion Pedro, Fr. Nilo Valerio, Jr., William Begg, Sr. Mary John Mananzan, Fr. Zacarias Agatep, Romeo Crismo, Fr. Joe Dizon, Bp. Julio Xavier Labayen, at marami pang ibang bayani ng batas militar na hanggang ngayon ay nagsisilbi ring tanglaw at huwaran sa maraming Kristiyanong naghahangad ng kaginhawaan sa kasalukuyang krisis ng pananalasang ekonomiko at politiko sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte.

Babalik at babalik tayo sa punto ng ating pananampalataya, hindi upang magtayo pa ng mga pader, ngunit upang buwagin ang mga humahati (Efe 2:14) sa malawak na hanay ng bayan ng Panginoon, na maging isa tayong lahat (Jn 17:21)–nagkakaisang malay mula sa opresyon at pananamantala ngunit nagmimithing lumaya.

Sa madaling sabi, para sa mga Kristiyano at hindi Kristiyano, alang-alang sa at tungo sa pag-iral kapuwa ng langit sa lupa (Mt. 6:10), kailangan nating unawain at tahakin ang mga pambansa at demokratikong kahilingan ng mga aba. Ang mga klaseng Kristiyano gaya nina Romero, Tayag, Mananzan, Sales, at marami pa ang nais nating paramihin, sapagkat sila ang mga pira-pirasong tinapay na pinagbubuklod ng mga pambansa at demokratikong kahilingan ng sambayanang Pilipino. Ani ni Hesus, “napakarami nang aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani” (Mt. 9:37), kaya paramihin pa natin ang mga tulad nilang mga ostia na ikinakalat sa buong bansa at nag-alay ng buhay alang-alang sa mahihirap na mukha ni Hesus ngayon.

Itaguyod ang Hustisya, Kapayapaan, at Dignidad–Pagtibayin ang ating Pananalig, Itatag ang Paghahari ng Langit sa Lupa!

Sumali sa Student Christian Movement of the Philippines!

Isinulat ng Student Christian Movement of the Philippines, Marso 26, 2023.

Follow Christ, love thy neighbor, serve the people!

--

--

Institute for Nationalist Studies

The Institute advances ideas and information campaigns on social issues to ferment a nationalist consciousness for the interest of the people’s welfare